Gabi ng Lagim.

Posted: March 19, 2009 in daot, Life, miarmiar-isms

Hindi ko inakala na darating ang panahon na mararamdaman ko ang sakit na dulot ng Thoracic Levoscoliosis.

Nagsimula ang lahat ng magising ako isang umaga ng Lunes sa pag-aakalang nabagsakan ako ng aparador. Hindi ako makagalaw, sa tuwing susubukan kong igalaw ang aking kamay ay nakakaramdam ako ng kuryente sa buo kong katawan. Nang imulat ko ang aking mata ay nakita kong normal ang paligid.. walang aparador na nakadagan sa akin. Hindi nagiba ang bahay at walang sunog na nagaganap.

Kinailangan kong sumigaw para humingi ng tulong sa kung sino man ang gising sa labas ng aking kwarto.  Hindi ko ito magawa ng paulit ulit dahil sa tuwing ibubuka ko ang aking bibig ay parang nilalamon ang aking buong katawan ng kuryente.

Matapos ang isang taon ng paghihintay ay pumasok ang butihin kong kapatid.

“O anong nangyayari dito?” sabi nya habang naghahalungkat ng damit sa aking aparador.

“Saket ng likod ko…” sabi ko

“Inom ka Alaxan,” sabi nya, hindi natitinag sa paghahalughog ng maisusuot.

“Tawagin mo si Mama.” sagot ko

Natigilan siya.  Marahil dito nya lang naisip na hindi ako nagbibiro. Tumigil sya sa paghahalungkot ng mga damit at lumapit sa kama ko. Hindi ako makagalaw mula sa dapang posisyon, pinagmasdan nya ako ng maigi.

“Ate… ano bang nangyayari sa yo?” tanong nya, concern ang boses.

“Ang sakit ng likod ko.” sagot ko nakapikit.

Katahimikan. Bigla syang sumigaw. Napaigkas ako. Adrenalin rush siguro.

“Ateeeh………huwag kang mabibigla…. pero…”

“ANOOOOOOO?!?!$#$@” sigaw ko pabalik.

“Kuba ka na!!!!! May bukol sa likod mo… isa ka nang kampanerang kuba! Naks. Asteg ka ah.”

Gusto kong tumawa pero sa halip ay napaiyak ako. Para akong nauupos na kandila sa sakit na aking nararamdaman ngunit ginagago ako ng utol ko.

Pero sa kabila ng lahat... wag naman sana akong tubuan ng pakpak.

Pero sa kabila ng lahat... wag naman sana akong tubuan ng pakpak.

Isang linggo akong hindi makakapasok, yan ang sabi ng doktor. Kailangan kong magpahinga. Hindi ako maaring umupo, tumayo at maglakad ng matagal dahil sensitibo ang porma ng aking spinal cord. Mild Thoracic Levoscoliosis. Hindi malala ngunit kailangang agapan. Namulubi ako sa mahal ng gamot at kailangan kong bumili ng bagong kama.

Alam mo ba kung anong pakiramdam ng may scoliosis? Napilayan ka na ba at dinala sa manghihilot? Yung tipong tapilok lang at kailangan mong pumunta sa kung kaninong manghihilot para ibalik ang nadislocate na kung ano man sa paa mo. Ganun ang pakiramdam ng may scoliosis, mas masakit pa. Para kang lalabasan ng bata o kapre o electric fan sa likuran. Mas gugustuhin mo pang mabunutan ng ngipin ng walang anesthesia. Wag mo na lang itanong at baka dalawa pa tayong umiyak.

Kailangan ko ring ikuwento ang pakikipagsapalaran ko sa outpatient clinic na aking napuntahan. Marami akong naririnig na mga reklamo tungkol sa bulok na HMO coverage ng aming kumpanya. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako nagtangkang i-claim ang aking healthcard dahil sa hindi naman ako sakitin at wala akong balak gamitin kahit kailan. Ngunit hindi kahit minsan sumagi sa aking isipan na darating ang panahon at kailangan ko itong gamitin.

Tumawag ako sa hotline ng nasabing HEALTHCARE PROVIDER at nagtanong kung ano ang mga outpatient clinics na maari kong puntahan na malapit sa aking bahay. Sa may TM KALAW daw. Inalam ko ang clinic hours sa internet at nagtungo ng maaga sa nasabing clinic kinaumagahan.

Sa isang lumang building huminto ang taxi. May malalaking letrang kulay pink ang nakatayo sa nasabing establishment na nagsasabing natunton ko ang nasabing lugar. Lumabas ako ng taxi at pinagmasdan ang sementadong mga letra, luma na ito…sinipat ko ang likuran ng bawat sulok sa pag-aakalang may mga nagtatagong gargoyles kung saan man. Sila na lang ang kulang at masasabi mong kasing tanda na ng Unibersidad ng Santo Tomas ang nasabing establisyamento.

Ang mga nawawalang GARGOYLES.

Ang mga nawawalang GARGOYLES.

Pagpasok ko sa loob ay nasulasok ako ng hindi maipaliwanag na amoy. Maliit lang ang reception area at nagsisiksikan ang mga tao.  Karamihan sa kanila ay matatanda at umuubo na parang nagtatawag ng mga ligaw na kaluluwa.  Dumiretso ako sa isang nars na nakaupo sa reception desk. Nagtanong ako kung sino ang health coordinator at itinuro nya ako sa babaeng nakaupo kung saan may karatulang nakasabit : DOCTOR’s SECRETARY na katabi ng isa pang karatula in blue letters, EXTRACTION AREA.  Dahan dahan akong naglakad patungo sa kinauupuan ng babae at sa isang saglit ay umasa akong tatagos sa dingding ang nars na naglalakad sa aking harapan. Ano ba itong napuntahan ko? Uwi na kaya ako?

Pagdating ko doon ay sinabi ko agad ang aking pakay. Kailangan ko raw maghintay ng 30 minutos dahil hindi pa dumarating ang doktor. Habang nagpapaliwanag sya ay naglalaro ang aking malikot na imahinasyon. Saan ba manggagaling ang doktor na ito? Sa kabilang buhay ba? Nakasakay ba sya sa karo ng patay? Tinatanong ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang mga taong nakaupo sa aking gilid. Ito ang EXTRACTION AREA, dito sila kinukuhanan ng dugo, atay, bituka, baga at kung ano ano pang internal organs ng mga nars mula sa Silent Hill.

Matapos isulat ang aking pangalan ay umalis na ako sa sulok na iyon at pumunta sa reception area. Hinintay ko ang doktor habang nagdadasal ng Ama Namin, nanalangin na sana ay hindi ako abutan ng dilim. Ilang minuto pa ay tinawag ang aking pangalan. Nandyan na raw ang doktor, sabi ng babae sabay turo sa isang lalaki na nuon ay umaakyat ng hagdanan sa kaloob-looban ng clinic. Sundan ko raw.

Sinundan ko ang doktor at nilandas ang hagdanan habang nagbibilang, ORO PLATA MALA, sigurado sa pang-13 na baitang ay magdidilim ang lahat at sasalubungin ako ng mga sugatang pasyente ng World War 2.  Naisip kong baligtarin ang aking damit ngunit nang marating ko ang tuktok ng hagdanan ay hindi naman ito nagtapos sa 13.  Phew.

Nag usap kami ng doktor. Sinabi ko kung ano ang aking nararamdaman habang sinisipat ang silid. Saan ako lulusot kapag inilabas nya na ang duguang kadena? Napapangiti siya habang nagsasalaysay ako ng aking kwento tungkol sa kumikirot kong likuran. Pinatayo nya ako at kinapa nya ang masakit na parte ng aking likod, panandaliang akong pumikit. Hinahanda ang aking sarili sa masakit na pagturok ng kinakalawang na scalpel.

“Miss tapos na.” sabi nya at binaba ang aking pang-itaas. Sinabi nyang ire-refer nya raw ako para sa XRAY examination. Nakahinga ako ng maluwag. God is good.

Nang matapos ang aming consultation session ay tumakbo ako pababa ng hagdanan bago pa mag-transform ang buong floor sa isa sa mga lugar sa TWILIGHT ZONE.

Akala ko ay dito na matatapos ang lahat. Halos pang-hinaan ako ng loob ng sabihin ng isang attending nars na ang XRAY ROOM ay nasa kabilang building at kailangan kong lumabas para makarating doon. Katapusan ko na. Siguradong sasalubungin ako ng mga nawawalang gargoyles sa kabilang building.

Nilandas ko ang daan patungo sa Silent Hill. Walang tao sa entrada maliban sa isang security guard na mukhang kumakain ng mga batang grade 4. Pinindot ko ang elevator button at halos mapasigaw ng bumulaga ang elevator operator na mukhang mas matanda pa kay Mary Walter. Nang makarating ako sa second floor ay naramdaman kong tumayo ang lahat buhok sa aking leeg pati na yata yung sa kili-kili. May tao pa ba dito? Yung pwedeng makita ng taong buhay.

Sa kaliwa, bulong ni Mary Walter.  Oo tama, sa kaliwa… dahil sa kanan ay may bangin. Hayop ka. Napadasal ako bigla, “Looooooord… wala namang takutan.”

Hindi pa ako nakakapasok ng kwarto sa nasabing room ay tinawag na aking pangalan. “Racquel Macaraeg?” tanong ng isang nars na lalaki na mukhang may importanteng papel na ginagampanan sa seremonya ng pag-aalay ng tao. Sa isang banda ay naisip kong itatanong nya, “Birhen ka pa ba?” At kung sasagot ako ng OO ay bigla nya akong sisikmuran at tuturukan ng kung anong gamot para mawalan ng malay.

Dinala nya ako sa XRAY room kung saan ay sinalubong ako ng isang nars na may mga eyebags na mas malaki pa sa kanyang mga mata.  Madilim sa loob dahil katabi nito ang kwarto kung saan nila dini-develop ang mga XRAY films pero gusto kong sabihin, wag nyo akong lokohin alam kong may mga kandila sa loob nyan!

“Hubarin mo na yung T-shirt mo, miss.” bulong nya. Putangina ka, kailangan mo ba talagang bumulong ng ganyan???!!! gusto kong isigaw. Sinarado ang pinto at sa isang malamig na sulok ay hinubad ko ang aking T-SHIRT. Ready na ako. Alam kong any moment now ay may gagapang na babae sa aking paanan at pilit na hihigupin ang aking kaluluwa mula sa aking bibig. Isang karaniwan na eksena sa THE GRUDGE, ngayon ay masasaksihan ko na in real life.

Miss, hinga ng malalim, please.

Miss, hinga ng malalim, please.

Matapos ang paghuhubad ng pang-itaas at pagsuot ng blue robe na mukhang naisuot na ng isang dosenang taong may TB ay pinatayo nya ako sa gitna ng XRAY MACHINE na parang nabili bago pa man maganap ang HOLOCAUST.

Hinga ng malalim, bulong nya ulet.

Hinga naman ako sabay pikit.  Inaasahan kong lalabas na ang mga kampon ni Lucifer sa dark room. Ilang sandali na lang at wala na akong scoliosis bagkus ay magiging isa na akong ganap na bampira.

Ganun na lang ang aking tuwa ng matapos ang lahat at isa pa rin akong ganap na tao. Agad agad akong nagbihis nang makapasok ang nars sa dark room. Walang ano ano ay lumabas ako ng pintuan at tumakbo pababa ng hagdanan bago pa ako higupin ng namumuong dark tunnel sa aking likuran.

Paglabas ko ng building ay sumakay agad ako ng taxi. Nagpasalamat sa Diyos na makakauwi ako ng buong buo kahit may scoliosis. Saka ko lang naramdaman ang pagkirot ng aking likod ng makrating ako sa aming bahay.

Kinabukasan, inutusan ko ang aking boyfriend na kuhanin ang xray result ngunit binalaan na baligtarin nya ang kanyang damit bago pumasok ng building.

Heto ako ngayon. Nakaupo sa harapan ng aking computer, pinagmamasdan ang aking XRAY RESULT… nagpapasalamat na kabila ng lahat ng sakit na dulot ng scoliosis ay nagdiriwang at nagsasaya na hindi ako naialay ng buhay sa isang staff ng mga aswang sa Maynila.

Comments
  1. Kazel says:

    pag sinabing “very mild upper thoracic levoscoliosis”… ok lang ba yun?😀

  2. @plaridel: thanks,p.🙂 i believe you…

    i must believe you….

  3. plaridel says:

    most of our fears never happen. just hang in there.

  4. @plaridel: ok na naman ako.. sabi nga nila ang scoliosis ay isang seasonal pain. At ang sabi ko naman ay.. OK. thanks for asking by the way.🙂 Kung sakaling kailangan ko talagang magpa opera hindi naman ako natatakot… isang bagay lang ang aking kinatatakutan…

    MAY LAHI KAMING KUBA. seryoso.

    @muymuy: salamat sa pagbisita.🙂

  5. muymuy says:

    hahhahahha…tawa ako ng tawa sa wento mo!..

  6. plaridel says:

    kumusta na? are you feeling much better? anyway, kung i-recommend ng doctor na kailangan ng operasyon, wag ka basta papayag. get a second opinion. nagpaopera yung dati kong amo dahil masakit ang likod, ano ang nangyari? di nawala ang sakit. after one year, nagpaopera uli. ang resulta ay komplikasyon na ikinamatay niya. ingat lang sa mga doctor. hindi sila diyos.

  7. Sassy Girl says:

    Miss na kita kellie!!!!! Hehehe, naaalala ko nung rep mo pa ko nagdala ako ng 2 malalaking unan at panay VTO pa ko dahil sa sakit na yan…mwwala din yan, seasonal na lang. Hope you’ll be fine soon…pasok ka na sa monday ah.

  8. @AC: ganyan ang hitsura ng mga taong namamatay sa scoliosis. naka -pose hanggang kabilang buhay.

    @soulful: yung kapatid ko ganyan talaga mag-alala. sayang at hindi sya mahilig magsulat dahil kakaiba rin ang mga crazy antics nun.

  9. soulful says:

    nurse ba yan o bangkay na binalot na ng puting tela? pero natawa ako sa utol mo. iba rin siyang mag-alala sayo. hehehe.

  10. AC says:

    taena naman sa ichura nung nurse! hahahah! parang mas lalo lalala sakit mo kapag yun ang kasama mo sa ospital ah. tsk.😀

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s