Ama Namin, Donkey Kong sa loob ng Sleeping Quarters.

Posted: February 4, 2009 in buhay call center, daot, Life

Katapusan na ng mundo.

Nakatayo ako sa gitna ng nagtatakbuhang tao sa iba’t ibang direksyon habang nakatingala sa nabibiyak na langit. Nag-aagaw ang dilim at liwanag sa gitna ng kawalan ngunit nanatili akong nakatulala sa papalapit na pagbagsak ng buwan sa di kalayuan. Unti unting nabibiyak ang lupa at nagsisimula nang malaglag ang mga bituin. Nabibingi ako sa ingay ng paligid, natutulili sa paulit ulit na koro ng Ama Namin.

Pinagmamasdan ko ang mabilis na pag ikot ni Haring Araw sa kalawakan. Katapusan na ng mundo, naibulong ko sa sarili. Hindi ako tatakbo. Para ano pa? Napupunit na ang langit.. bumabagsak ang buwan. Saan ako pupunta? Bakit nagtatakbuhan sila? Nasaan ang Diyos?, paulit ulit kong tinatanong habang nakatingin sa kawalan. Hindi ba’t naniwala ako na sa gitna ng makapal na ulap ng kalangitan ay nagkukubli ang mahabang hagdan papuntang langit? Taena..ito talaga ang hinahanap ko para maunahan ang mga taong nagtatakbuhan na umakyat ng hagdanan sa gitna ng nagugunaw na paligid. Sinuyod ng aking mata ang kapaligiran.. may isang pulutong ng emo sa dako paroon ang sumisigaw ng PUNKS NOT DEAD!!! Wuhoooooooo!!! at bigla akong napatingin sa aking paanan. Hindi kaya mabibiyak ang kinatatayuan ko at saka ko  makikita ang hagdan pababa ng impyerno?

Sa isang saglit, nakita kong unti unting nabibiyak ang lupa ngunit bago ako matauhan sa aking naiisip ay nasipatan kong may isang malaking kung ano ang tumatakbo papalapit sa akin. Walang ano ano ay kumaripas ako ng takbo.

Nagugunaw ang mundo at hindi ako natamaan ng pagbagsak ng buwan ngunit hinahabol ako ni Donkey Kong!!!

Malalaking hakbang. Matulin, sana wag nya akong abutan. Ngunit ang hindi ko maintindihan ay kung bakit sa gitna ng nalulusaw na planeta ay nananatiling nakatayo ang mga puno sa paligid. Kung papano ako nakarating sa masukal na lugar ay hindi ko alam basta ang alam ko ay naririnig ko ang malakas na paghinga ng tsonggo sa aking likuran. Nagugunaw ba talaga ang mundo o napunta lang ako sa Planet of the Apes?? Pero baket sa hindi kalayuan ay naririnig ko ang Ama Namin? Tumabi kayo may tsonggo on the loose, ano ba??!!!

Tumatakbo pa rin ako ng matulin ngunit alam kong malapit na akong abutan ni Kingkong dahil naririnig ko ang kanyang hininga. Grrrruuuu…paulit ulit. Hindi na ako makakatakas.  Ako ang kanyang huling hapunan. Taragis, hindi pa ko makakaabot ng langit! Hindi ako makakaapak sa hagdanan. Kakainin ako ng gorilya. Binabalot ang katawan ko ng takot at pagkamuhi..mamatay ako.

Hingal.. hingal.. hingal. Hindi ako susuko. Ngunit dahil spartan ang gamit kong tsinelas at hindi havianas ay naabutan ako ng malaking unggoy. Napakalapit ng bunganga nya sa kin at naririnig ko talaga ang kanyang malakas ng paghingal.. paghinga. Nakakatakot.

Bigla nya akong dinamba. Napaigkas ako. Naramdaman kong tumama ang aking braso sa matigas na bagay…

“Aray ko, ” bigla akong may narinig sa kawalan. Pagdilat ng aking mata ay saka sumaksak sa aking kukote na nasa loob ako ng sleeping quarters ng APAC at si Donkey Kong ay natutulog sa di kalayuan.  Taena! Kababaeng tao… kung maghilik ay animal! Muntik akong bangungutin dun ah!

Ang lakas ng tibok ng dibdib ko. Muntik akong mamatay sa sleeping quarters! Eh kung namatay ako.. mapapansin kaya nila? Sa malamang nangangamoy na ang bangkay ko bago nila madiskubre na may patay sa loob ng sleeping quarters.  Saka lang ako natauhan ng patayin ng isang babae ang tumutunog nyang ALARM. Ama Namin! Juskulord, kinombohan pa ko ng babaeng naghihilik na parang gorilla at rep na may alarm ng AMA NAMIN.  First time ko pa naman matulog dito.. hindi na ako uulit.

Maya maya bumukas ang pintuan. “Mommy Sil.. Mommy Sil? Andyan po ba si Mommy Sil?,” sabi nung pumasok sa sleeping quarters habang isa isang sinisipat ang mga nakahilata sa gitna ng madilim na kwarto.

‘Mommy Sil?,” tawag nya ulet.

“Arrr, ” sagot ni Donkey Kong.

“Overbreak ka na,” sagot ng rep.

“Arrr,” sagot ni Donkey. Maya maya ay naramdaman kong gumalaw sya.. tumayo at dahan dahang naglakad.  Dahil puno ang first deck ay naalala kong sa second deck pala ako natulog. May ilang hakbang ng hagdanan pababa.

“Mommy Sil, bilisan mo..”

Wala akong narinig na sagot ngunit may narinig akong malakas na kalabog sabay sigaw ng “Aguy!!”

Tumawa yung katabi ko. Pinigil ko yung sa akin. Buti nga.. nang dahil sa yo muntik akong bangungutin.  Kung maghilik ka parang hindi ka overbreak!!!

Matapos ang pakikipagsapalaran sa hilik ni Donkey Kong at sa alarm ng Ama Namin… hindi na ako ulet natulog sa sleeping quarters. Natakot akong baka sa susunod ay managinip naman ako na hinahabol ng malaking Orca.

Leave a comment